Pasumandaling tumitig sa karimlan,
tanging ang malamlam na kulay pulang ilaw
ng altar ang silbing liwanag.
Katatapos lamang ng nakakahapong-tagpo,
humihingal pa ako.
Kinalamay ang aking loob,
pinagmuni ang naganap kani-kanina lamang.
Naghahanap ng kaluwalhatiang kaakibat dapat nito.
Nasaan ang ngiti? Wala. Hungkag.
Sabay nating natikman ang pagsuyo.
Kasama kita, humihingal ka rin kani-kanina.
Ngunit bakit ngayo'y bigla ang pagtangis?
Nais ng puso ang isang makakausap,
Labis ang pagtatangka ng matang tumagos
ang tingin hanggang sa iyong kaluluwa
Ngunit hindi mo ako pansin, tumalikod ka at saka nahimbing.
Bawat dampi ng halik ay may kaakibat na pagluluksa.
Bawat haplos ay may lungkot.
Nasaan na ang mga paru-parong dati ay nagbe-break dance
sa aking sikmura?
Nasaan ang goosebumps?
Nasaan ang mahika. Wala. Hungkag.
May ibinulong ang hangin,
"iyan ba ang gusto mo? iyan ba ang kailangan mo?"
Kapagdaka'y inabot mo ang aking kamay at ikinanlong ako
sa init ng iyong bisig.
Ipinikit ko na lamang ang aking mga mata at ang tanong
ay hindi na minarapat na sagutin pa.
No comments:
Post a Comment