Maingay ang paligid, punong-puno ng bisita at kamag-anak ang flower garden at clubhouse na pag-aari ng aking luvguru na si Dawn. Wala nang bakanteng Villa at Cabana Rooms sa estate na yaon dahil okupado na nang lahat na makikigulo sa okasyon. Eksklusibo ito at walang ibang lalahok kundi ang mga taong may koneksyon sa seremonya, pati ang pari ay hindi na iba, sino pa ba kundi ang pinsan kong si Dan.
Perfect. Ang lahat ay umaayon sa gusto ko. Full-cast ang iba't-ibang grupo ng barkadang aking kinabibilangan. Makulay at mabango ang mga fresh flowers na ini-arrange ng aking Kumareng Rommel. Bonggang-bongga din ang susuotin ng buong entourage na likha ng Nyedsun Gowns and Barongs. Ang orchestra at si Nani ay walang-tigil sa pag-e-ensayo ng kanilang mga piyesa. Ang mga Flower Girls at Symbol Bearers ay walang-pagod na nagtatampisaw sa swimming pool ng villa. Ang mga sponsors naman ay may sariling assembly sa Pavillon at nagpapayabangan sa kani-kanilang dalang regalo. Natanawan ko na rin ang magsisilbing Toast Master ng seremonya na walang iba kundi si Sunshine, bitbit ang kanyang buong pamilya. Si Sunset naman daw ay susunod na. Ayos na ang lahat, iisa na lamang ang hindi ko pa nasisilayan, nasaan na kaya S'YA?, Letse kasing pamahiin yan, hindi daw kami pwedeng magkita hanggang hindi pa nag-uumpisa ang pasinaya.
Alas-singko y bente ang umpisa ng seremonya, naka-pustura na ang lahat at handa na sa kani-kanilang eksena. Hindi lamang lilimang beses may kumatok sa aking Bridal Suite~~mga well-wishers na sanggang-dikit, tinatanong ako kung sigurado na daw ba ako sa aking ginagawa, ang sagot ko naman "hindi pa ba sapat na kasagutan ang suot kong saya?" May tumawag na muli at sinabing nandun na daw S'YA, napangiti ako sa wakas. Muli, saglit na silip sa salamin, pinagmasdan ko ang aking imahe, muntik ko nang hindi makilala ang aking sarili. Maganda nga naman pala ako, may kaunting kurba na ang katawan ko at hindi na mukhang piggybank tulad ng dati~~salamat sa Zhen de Shou. Hindi rin pangkaraniwan ang suot kong wedding gown na creation ng sikat na Macky's Couture, monochromatic green ang kulay na shining-shimmering-splendid ang top at syempre ang pabolosang korona na pinagkakabitan ng limang metrong trail na hila-hila ko. Pagkalipas ng ilang saglit pa ay bumaba na ako at inihanda ang pinakamatamis na ngiti sa bawat click ng professional camera ni Java.
Dahil garden wedding, ang lahat ay aking nakikita. Ang mga bisitang prenteng naka-upo sa monoblocks chair na nakahanay sa tig-kabilang side ng malawak na lawn, ang pari sa dulo ng red carpet at ang pagpaseyo ng buong entourage patungo sa make-shift na altar. Pilit ko syang sinisilip pero natatakpan sya ng flower stand. Isang saglit pa'y ikinabit na sa akin ni Sir Noel ang lapel mic~~tulad ng lagi kong sinasabi, kakanta ako sa kasal ko.
Unti-unting nagsimulang lumabo ang paningin ko, blurred na ang paligid sanhi ng luha na namumuo sa aking mata, buti na lang water-proof ang aking mascara, but still sayang pa rin ang make-up ko kung hahayaan ko lang patakan ng luha diba? Kaya naman pinilit kong i-compose ang aking sarili at marahang tumikhim, tinipa na ni Sir Carlo ang unang nota sa piano, lalakad na ako.
Habang lumalakad sa isle ay kinakanta ko ang napili kong wedding song~~"If I Believe" ni Patty Austin. Sa preparations pa lang ay marami nang kumondena sa akin, hindi naman daw pang-kasal ang awiting ito, ngunit hindi nila alam ang tunay na dahilan kung bakit ang kantang ito ang napili ko. Marahil ay walang ibang makakaalam, ang awiting ito ay nag-uugat sa aking nakalipas.
Gumaralgal na ang aking boses sanhi ng pinaghalong kaba at saya. Muli pa'y sinulyapan ko s'ya, isang bulto na matipunong naghihintay sa akin sa may bungad ng altar. Ngunit kahit anong titig ko ay wala akong maaninag, tila wala syang mukha, pati pangalan nya ay hindi ko na rin maalala, ni hindi ko s'ya makilala. Bigla akong napa-tanong sa sarili ko, "sigurado ka bang sya na nga ang nais mong pag-alayan ng buong buhay mo?"
Sa gitna ng lahat ako'y napatda, naguluhan akong bigla. Nakakalito, biglang-bigla hindi na ako sigurado kung sya na nga ba yung gusto kong maghintay sa akin sa altar, kung sya na nga ba ang gusto kong pag-alayan ng aking pinakamamahal na kalayaan. May kung anong bumulong sa aking isip, "baka naman hindi pa talaga sya yan, pinipilit mo lang?" Ayan na naman ang pamilyar na tinig at pamilyar na tanong. Para akong binuhusan ng tubig na may yelo, tuluyan nang pumatak ang aking mga luha at kapagdaka'y tumalikod na ako at papalayong tumakbo.
Hindi ko na namalayan ang sumunod na tagpo. Hungkag ang aking pakiramdam. Hindi ako nasasaktan, pero hindi din ako masaya. Wala akong maramdaman at wala din akong nais masilayan. Gusto kong mapag-isa. Sa kabila ng lahat, ako'y magpapatuloy, magsisimula ng panibago. Hindi ko alam kung saan at paano ako muling magsisimula, basta't ang alam ko at sigurado ako, ANG PANGARAP KONG KASAL, HANGGANG NGAYON AY PANGARAP PA RIN.


