Sabi nila expert na daw ako pagdating sa mga ganitong pagtatanghal. Pero bakit tensyonado ako? Oo, dati na itong palabas, pero may mga audience na nag-request ng repeat performance, bitin daw kasi yung first season.
Nai-set ang lahat...
Panibagong entablado, at ngayon ay mas malapad na ang kurtinang nakatabing dito. Kinakabahan talaga ako, sapagkat dito nakasalalay ang lahat. 'pag hindi kami nagtagumpay ngayon ay mapipilitan akong kalimutan ang aking pangarap na best performer award. 'pag hindi nagtagumpay itong ikalawang palabas, isinusumpa kong hindi na ako muling tatapak sa kahit na anong entablado.
Pinatay na lahat ng ilaw, hudyat ng pag-uumpisa ng palabas. Madaming nanonood, standing ovation gaya ng dati. Ngunit dahil sa kaming dalawa ay nakapailalim sa nakakasilaw na spotlight ay hindi ko mapagsino ang mga manonood. Ramdam na ramdam ko ang enerhiyang dala ng aming mga kritiko na naka-abang sa aming bawat paggalaw, naghihintay ng aming magiging sablay. Subalit batid ko ring higit na mas marami ang aming mga fans na nag-aabang sa matagumpay naming palabas. Kaya naisip ko, bakit ko hahayaang magkamali ako? Oo, lahat ng performance ay may flaw, pero bakit ko naman ipapahalatang nagkamali ako kung sakali, kaya nga may tinatawag na ADLIB, diba?
Clap..clap..clap...mas naging magaling kami sa pag-portray ang aming mga characters ngayon. Siguro kasi alam na namin kung saan kami sumablay noon, at yung mga dabes na eksena namin sa nakaraan ay mas napa-bongga namin ngayon.
So far, naging maayos ang daloy ng mga linya, malinaw ang pagsasanib ng aming mga kaluluwa at pagkakaunawaan ng damdamin, effortless! Hindi rin nangibabaw ang conflict mas maigting kasi yung climax. At ang finale~~~pag-ibig na wagas na hindi na kailangan pang praktisin.