Wednesday, February 17, 2010

- aNG LoVeSToRy Ni kUmARe - 11.11.09

"hey mom, why didn't you warn me? 'coz about boys is something i should have known. they're like chocolate cakes, like cigarettes, i know they're bad for me but i just can't leave 'em alone..." - Buses and Trains by: The Bachelor Girls -



Bago pa man magka-kulay ang love life ko, yung kanya muna.

CHILDHOOD SYOTA nya si "too much heaven", dahil hindi pa uso ang text noon ay nagkasya na lamang sila sa pagsipol-sipol hudyat ng kanilang pag-a-eyeball. Ngunit ang kanilang musmos na pagibig ay hindi lumawig, kaya ngayon sila ay larawan na lamang ng dalawang pusong pinagtagpo ng panahon ngunit hindi pinag-isa ng tadhana.

EX-JOWA pala, kung hindi pa aksidenteng nakahuntahan ng panganay nya ay hindi pa masisiwalat na si "Mr. B." pala ay kasali sa listahan ng mga naging lablayp nya. Ngunit katulad nung nauna ay hindi rin sila ang itinakda kaya hinyaan na lamang nilang lumaya ang isa't-isa.

LOVE AFFAIR na pumatok sa takilya. Bumida ang leading man na nasa likod ng "pabrika ng yes". Nagpipilit pa si brod na sila daw ang bagay para sa isa't-isa pero hindi naman nagawang ipakipaglaban ang nadarama nung binigyan ng chance. Pagmamahal daw na walang hanggan pero wala din namang patutunguhan. Ipagpalagay nang minahal nga nila ang isa't-isa pero bakit hindi nila ipinakipagsapalaran ang kanilang relasyon? Ngayon pa, huli na ang lahat, ang bottom line: not meant to be.

THE GREATEST LOVE OF ALL. Pag-ibig na sumugal, hindi ininda ang hirap ng buhay. Mga pusong musmos na pinag-isa at hininog ng panahon. Pagmamahalang binasbasan ng banal na tubig kasabay ng pagpapalitan ng "till death do us part" na wedding vow. Pag-ibig na nagpunla at umani ng apat na matatamis na bunga. Masakit mang isipin na hindi sila binigyan ng mahabang panahon upang magkasamang pagsaluhan ang tamis ng pagsinta, ang kanyang naiwan ay sapat nang dahilan upang magpatuloy ang buhay.

SECOND CHANCE ON LOVE. Pag-ibig na parang kabute, basta na lamang sumulpot. Namayagpag sa lupa kasabay ng kidlat galing sa dagat at nagsabog ng sandamakmak na pag-asa at pangakong hindi na muling mag-iisa. Ngunit pagkatapos ng maikling pagsasanib ng damdamin ay muling pumailanlang ang pangungulila kinabukasan. Ang inakala nyang pagsasamang pang-habambuhay na ay naglahong parang bula. Salamat na lang sa kanyang iniwan - isang alaalang walang kasing halaga.

Ang LOVE STORY NI KUMARE ay kaparis ng pag-asang hatid ng promo ng softdrinks na "look under the crown and win house and lot" ngunit sa oras na baliktarin ang serbesa ay "try again" ang laging makikita. Masaklap isipin na parang walang itinakda na para sa kanya dahil lahat sila ay dumaan lamang sa buhay nya pansamantala. Pero hindi na dapat at wala na rin namang saysay kung pag-uusapan pa ang sablay. Swerte pa rin naman syang maituturing dahil angkin nya ang limang tropeyo na napagtagumpayan nyang pagyamanin, tubo pa nga sya kung tutuusin. Pero uli, kung ka-holding-hands ang pag-uusapan ay loss. Kiber na lamang, hindi na rin naman masyadong big deal yun lalo't nasanay naman na sya sa buhay na mag-isa.

Malay naman natin bukas-makalawa ay mahagilap mo na ang mailap mong love life, lola ka na nga pero hindi naman halata at hindi pa huli ang lahat, have faith, dream on...

- sToRcK (honey lemon) - 10.08.09

For her. Hugs.

Buong puso mo akong pinili at buong puso naman kitang tinanggap. Walang dahilan. Sinabi mo lamang mahal mo ako, hindi naman nagtagal at minahal na din kita. Hindi ka naman kasi mahirap mahalin, tanggap mo ang kahinaan ko at ang magagandang katangian ko lang ang mahalaga sa'yo. Wala na akong mahihiling pa.

Ako ang nagkulang, o siguro'y napasobra ka lamang. Tinanong mo ako kung bakit kailangan ko pang lumayo gayong nandyan ka naman at handang ialay ang lahat. Ngunit tinalikdan pa rin kita, minsa'y pinagtaguan pa nga - kapalit ng mas exciting na menthol flavor.

Tumangis ka, alam ko, pero hindi man lang ako nakarinig ng pangongondena mula sa'yo bagkos ay nanahimik ka na lamang at pinagmasdan ako--nagsasaya kasama ng iba. 

Hanggang sa namalayan ko na lamang na iniaalay mo na sa iba ang kendi na dati ay para sa akin lamang. Napaluha ako noon, naisip ko, bakit ba kasi pinakawalan kita? Tinangka kong muling makipaglapit, hindi mo nga ako binigo pero eggnog na ang iyong inialok.

Normal naman tayo. Paano ka ba makapagtatanim ng galit sa taong totoong minahal mo at patuloy na minamahal? Sa kabila ng aking kahinaan palagi ka pa ring nandyan, parang si blue blink handang i-share ang lakas mo sa akin. Pinagpalit kita sa iba pero palagi mo pa rin akong tinatanggap kapag lumalapit ako sa'yo. Ramdam ko ang iyong pag-unawa at pagpapahalaga sa kabila ng lahat.

Kung paano mo ako niyakap at kung paano ako gumanti sa yakap mo noong nasa crossroad tayo ay ganoon pa rin kita yayakapin kung bibigyan ako ng pagkakataon. Kung paano ko ipinahayag ang pagmamahal ko sa'yo pagkatapos mong ulit-uliting mahal mo ako ay ganun pa rin ang pagpapahayag na gagawin ko kung bibigyan ako ng pagkakataon.

Tatlo'y-pisong storck noon, sa paglipas ng panahon ay naging isa'y-piso na. Ganoon din ang pagyabong ng pag-ibig natin sa isa't-isa, hindi na kailanman magbabago ang lasa - honey lemon.

Malayo ka nga, pero ramdam naman kita. Mula noon hanggang ngayon ay alam kong nasasaktan ka kapag nasasaktan ako. Sorry at salamat sa lahat.




- hAySkUL - 09.03.09


Sa isang parisukat na gusali na may tatlong palapag at napapalibutan ng kahoy na jalousie na sira-sira na dahil binabaklas ng mga estudyanteng wlang magawa pag vacant period. Ang tapat ay patio na napapaligiran ng sementadong scallop na nagsisilbing tambayan ng mga estudyanteng tambanero. Sa likod naman ay ang pamosong tindahan ni inang dolor na kilala sa giniling at hamburger na may niyadyad na repolyo, at ang karatig nun ay Annex Bldg na pinamumugaran ng mga astig na may 2nd floor kung saan matatagpuan ang kaisa-isang computer room, ang bukod tanging air-conditioned room sa School na ito. Dito sa lugar na ito umikot ang apat na taon namin sa hayskul, dito sa MSEA nagsimula ang lahat.

Unang ratsada ng pasukan, hindi pa gusot ang notebook na Sterling o kaya naman ay Jardinotes. Pagalingan at masipag pa sa paggawa ng assignment at matiyaga pa sa pagbuklat at pagbasa ng libro. Tinitipid pa ang baon para lang maging extra-ordinary ang project na mosaic ng Map of Asia. Kuntodo praktis kahit pa small time na dula-dulaan lamang. At pagdating ng exams, kanya-kanyang atikha, ni sulyap sa katabi hindi magawa dahil takot pang mapahiya. Ito ang larawan ng FRESHMEN - "sungay-less".

Isang linggo bago mag-exam ang schedule ng bayaran ng tuition fee pero bukas na't lahat ang pagsusulit ay nananatili pa ring nakatunganga sa may harap ng opisina ni Tita Merz, hindi makapila dahil walang pera. Hindi pa kasi nakakapagsulit ng copra si tatay, yung pinagbilhan naman ni nanay ng nilalang bagets na sumbrero ay kulang pang ipambili ng isang guhit na halubaybay sa amado. Hindi pa uso ang promisory note noon, face-value ang labanan, kailangang maki-usap sa principal para sa kanyang initial sa blue card bago payagang kumuha ng exam at ang nagsisilbing gasolina na pampakapal ng mukha ay ang palamig na inutang pa kay Ludymae. 'Yung pagpasok pa lang sa 
Principal's Office at mag-isip ng idadahilan ay nakakalugaw na ng utak. Kaya naman latak na ang natitira para sa isasagot sa test questions. Syempre exempted sa mga ganitong eksena ang mga anak ng Dyos.

Tatlong beses sa isang taon ang chance mong maka-attend ng sayawan na hindi mo na kailangan pang makipag-debate sa nanay mo dahil "matic" na kapag SSC Victory ball, Acquaintance at Christmas Party lahat ng estudyante ay mandatory ang attendance. Ayos ito, patay-sindi ang ilaw, ta's pag "sweet" na ay papalitan ng bombilyang binalutan ng cellophane na kulay blue, panalo ang mga tinggalyong--biglang puputi. 'Yung may mga syota, kahit nakaka-bingi ang umupo sa karatig ng jumbo-jet na speaker ng sound system ayus lang dahil dun madilim, malaya silang nagkakaulayaw. 'Yun namang mga nagliligawan pa lang ay tamang "hapit" at "bakod" baka kasi masalisihan, mahirap na. At ang mga dakilang single naman ay nagbubutas ng bleacher ng amphi, maigi pang natulog na lang hindi pa puyat kinabukasan dangan nga lamang at check-attendance. Syempre, paaawat ba naman ang mga liping? Sila ang mga walang sawa sa pagsiryabot sa saliw ng walang kamatayang "laklak" at "sweet child of mine" talagang sinusulit ang sayawan dahil yun ang paraan para sila ay mahulasan.

SOPHIES. Ahhh, medyo at-ease na, nakahanap na kasi ng ka-uri at may tinatawag ng tropa. Makatambay lang, magkukunwaring may group study sa bahay nung mayaman na ka-klase na mayroong complete set ng hebigat na encyclopedia. Ang project na silk screen printing ay iaasa na lamang sa ka-grupo na anak ng propesyonal na magtatatak, aambag na lamang at keri na. pagdating ng exam hindi na tuod, nakakakuhit na sa karatig pag hindi maintindihan kung alin ba sa sentence ang subject, transitive verb at direct object, Hindi kasi nag-review nang nagdaang gabi dahil ang inatupag ay ang pagbabasa ng loveletter mula sa secret admirer. Ayan na, mababanaag na ang pagtubo ng sungay.




Pagpasok sa room bago mag-exam habang wala pa ang titser ay para kang nilusob ng 'sang katerbang kuliglig dahil sa ingay at lakas ng alab-alab na pagre-review ng ka-eskwela na may kanya-kanyang eksena: May isang nakatingala at humihingi ng clue sa butiki pag may nakalimutang isang bahagi ng minimemory. May isa't-kalahating malandi naman na nakadungaw sa bintana at inaabangan ang pagdaan ng crush nya na magsisilbing "inspirasyon" sa mga multiple choice type of questions, tanong number one: "crush din kaya nya ako?" a.) oo b.) hindi c.) none of the above. Meroon namang isa na sa tabi ng dingding napiling pumwesto dahil sa pader isinulat ang kodiko. 'Yung isa naman ay yung kahuli-hulihang upuan ang napiling pwestuhan at dun nagpa-praktis ng pagbuklat ng micronotes na kurting pamaypay--akalain mong sa liit ng papel ay napagkasya ang buong lesson ng quarter pati na drawing ng layers of the earth at parts of a leaf with labels. At ang pinaka-makisig sa lahat ay yung isa sa bandang gitna ng one-seat-apart na desks, relax na relax, pinapaikot-ikot lang ang bolpen sa mga daliri ng kamay at pangiti-ngiti, yun pala kagabi pa ay nakapag-sagot na ng i-e-exam, ipapasa na lamang ang testpaper, meron palang leakage worth isang-daang piso, tamo nga naman kaya pala nagbigay ng tip sa katabi na memoryahin din yung part of speech dahil enumeration ang part one ng test. Pagdating sa mathematics problem solving ay umuulan ng kuyumus na papel at dun nakasulat ang solution, x + y = xy, pinats! nagkakatalunan lang talaga ay sa essay, dito pagalingan ng katwiran - "therefore i conclude that" - ito ang pinaka-sikat na pasakalye. Pupusta akong halos lahat naman ay nakaranas mangopya dahil wala naman akong kaklaseng Einstein.

Sa ikatlong taon wala nang bitbit na bag, nakapamulsa na lang ang bolpen at manghihingi na lang sa katabi ng 1/2 lengthwise na papel pag nag-quiz. Chemical Symbol lang ng Tungsten ang isasaulo dahil binilang na ang silya at tiniyak na yun ang matatapat sa kanya para pagdating ng recitation sure-bol na. Nakaka-antok ang kasunod na subject dahil kay titser na by-the-book kaya magka-cutting class na lang kasama ng tropa at manonood ng movie sa vhs entitled "tarzan & jane - the wilderness adventure" o kaya ay magto-toma habang nagto-tong-its. Ito na ang eksena ng mga JUNIORS na nag-uumapaw ang sungay na panandaliang ikukubli pagdating ng "kiripsyun" o mas kilala sa tawag na JS PROM, dahil magbibihis-tao, naka-saya at naka-barong habang naghahabol sa nagkakanda-buhol-buhol na kadena sa regodon-de-honor.




"Naturingan kayong pilot section pero kayo lagi ang may negative feedback" - ang pamosong linya ng halos lahat na guro sa aming class/section mula simula hanggang wakas. Tapos, there was once pa, caught-in-the-act ang buong klase, walang nakatanggi ma-honor, ma-hindi ay may kanya-kanyang kumpol ng desk - may nagto-tong-its, may nagbabakrat, yung ibang boys naglilisi, yung iba naman ay miron, nagmistulang Casino Filipino ang room 9--ang bottomline: may nagsumbong. Meron ding time na nadatnan kami ni Maam na parang nasa loob ng sabungan sa ingay, palakasan ng halakhak mayroon pang kumakanta, kaya ayun, ang aming nakamit ay surprise quiz na ang coverage ay exponential forms, square root at cube root (pang-college daw sabi nung isa) kaya pagpapasa ng 1 whole pad paper ay tanging pangalan lamang ang naisulat pati middle name nakasali na may maisulat lamang.

SENIOR year. May sungay na'y may pangil pa. Deadma na sa flag ceremony, diretso na sa bilyaran o kaya naman ay sa computeran maglalaro ng tekken, kasi naman magbabasa lamang ng kwento ni Don Quixote at ni Beowulf at Grendel kaya sisipot na lamang sa eskwelahan ay kung kailan recess na. Hindi na uso ang paggawa ng homework, pagpasok sa iskul kinabukasan saka pa lang gagawa. Regular nang naka-timbre ang type ng exam kaya hindi na kailangan pang pag-aralan ang lintis na tangent at co-tangent na yan. Kahit pa nga yung peyborit subject na P.E. ay tinabla na rin para lang makatambay at makapamahaw, patak-patak sa pambili ng ulam kasama ng iba pang mga tirador ng kaning-lamig. Bahala na si nanay dumiskarte sa project na book report at film review tutal sya naman ang excited sa pag-graduate ko.

Isang buwan bago ang graduation ay pirmahan ng clearance at pinagawa kami ng sanaysay na ang pamagat ay "How do you see yourself 10 years from now?" translation: May pangarap ka ba? hahaha 'yun pala ay ilalagay sa yearbook. Ang suma-tutal maraming nangarap maging seaman, marami-rami rin ang nangarap maging engineer at may mangilan-ngilan na gustong maging architect. Pero may mga pangarap na stand-out katulad nung sinabi nung isa na gusto daw nyang maging FBI Agent, may isang nangarap maging Korina Sanchez at nagsabing "i want to be a glamourous T.V. anchor" at yung isa namang mahilig magbasa ng pocketbook na nakasangat sa libro habang nagka-klase ay nangarap maging "editor of TIMES Magazine", yung isa namang ang pasyalan ay ABS-CBN ay hindi na nakakapagtaka kung ang pangarap nya ay "to be a fabulous stage actress", ewan ko naman kung ano ang sumapi dun sa isang nagsabi na "i want to be a cyberg space lawyer", ano yun? taga-usig ng mga balasubas na alien sa Ben 10? hahaha, may isa pang "to be a dynamic lady pilot" ang drama, talagang pinag-isipan pang maigi ang ginamit na adjective, 'yung isa naman na panlaban ng batch sa basketball ay nangarap maging "NBA Superstar", pero ang pinaka-pasabog na pangarap sa lahat, malalim at mahirap halukayin ay yung isa na ang million-dollar dream ay "to fulfill my destiny" wala na, taob na ang pangarap ng iba, ahahhaha.




At nang nasa liwasang-bayan na upang idaos ang ika-50 pagtatapos sa M.S. Enverga Academy, ang lahat ng bumubuo sa Batch 2000 na suot ang puting toga at hawak ang kandilang may sindi habang kumakanta ng Maroon & White Forever at Awit ng Pagtatapos ay biglang nanariwa sa isipan ko ang apat na taong nagdaan: mga kabulastugan, pagpapakitang gilas, ang minsang pagsip-sip, ang mga pangarap na nabuo, mga kasayahan, mga pagsablay, mga kaibigan pati mga naging kaaway, mga maestro at maestra na nagbuwis ng luha, pagod at laway para lang kami ay may matutunan. Kasabay ng aking pagmumuni-muni ay ang pagpatak ng aking mga luha, mamimiss ko ang highschool life...

It was so heart-warming to see those proud parents looking at their children receiving their diplomas. When it was the moment to receive mine, I suddenly thought to myself, "I could have done better" nonetheless, no regrets only lessons.

Habang buhay na magiging memorable para sa akin ang highschool life dahil sa mga panahong iyon ko natuklasan ang pinaka-mahalagang bagay sa aking buhay - ang aking tunay na pag-ibig!