Wednesday, February 17, 2010

- hAySkUL - 09.03.09


Sa isang parisukat na gusali na may tatlong palapag at napapalibutan ng kahoy na jalousie na sira-sira na dahil binabaklas ng mga estudyanteng wlang magawa pag vacant period. Ang tapat ay patio na napapaligiran ng sementadong scallop na nagsisilbing tambayan ng mga estudyanteng tambanero. Sa likod naman ay ang pamosong tindahan ni inang dolor na kilala sa giniling at hamburger na may niyadyad na repolyo, at ang karatig nun ay Annex Bldg na pinamumugaran ng mga astig na may 2nd floor kung saan matatagpuan ang kaisa-isang computer room, ang bukod tanging air-conditioned room sa School na ito. Dito sa lugar na ito umikot ang apat na taon namin sa hayskul, dito sa MSEA nagsimula ang lahat.

Unang ratsada ng pasukan, hindi pa gusot ang notebook na Sterling o kaya naman ay Jardinotes. Pagalingan at masipag pa sa paggawa ng assignment at matiyaga pa sa pagbuklat at pagbasa ng libro. Tinitipid pa ang baon para lang maging extra-ordinary ang project na mosaic ng Map of Asia. Kuntodo praktis kahit pa small time na dula-dulaan lamang. At pagdating ng exams, kanya-kanyang atikha, ni sulyap sa katabi hindi magawa dahil takot pang mapahiya. Ito ang larawan ng FRESHMEN - "sungay-less".

Isang linggo bago mag-exam ang schedule ng bayaran ng tuition fee pero bukas na't lahat ang pagsusulit ay nananatili pa ring nakatunganga sa may harap ng opisina ni Tita Merz, hindi makapila dahil walang pera. Hindi pa kasi nakakapagsulit ng copra si tatay, yung pinagbilhan naman ni nanay ng nilalang bagets na sumbrero ay kulang pang ipambili ng isang guhit na halubaybay sa amado. Hindi pa uso ang promisory note noon, face-value ang labanan, kailangang maki-usap sa principal para sa kanyang initial sa blue card bago payagang kumuha ng exam at ang nagsisilbing gasolina na pampakapal ng mukha ay ang palamig na inutang pa kay Ludymae. 'Yung pagpasok pa lang sa 
Principal's Office at mag-isip ng idadahilan ay nakakalugaw na ng utak. Kaya naman latak na ang natitira para sa isasagot sa test questions. Syempre exempted sa mga ganitong eksena ang mga anak ng Dyos.

Tatlong beses sa isang taon ang chance mong maka-attend ng sayawan na hindi mo na kailangan pang makipag-debate sa nanay mo dahil "matic" na kapag SSC Victory ball, Acquaintance at Christmas Party lahat ng estudyante ay mandatory ang attendance. Ayos ito, patay-sindi ang ilaw, ta's pag "sweet" na ay papalitan ng bombilyang binalutan ng cellophane na kulay blue, panalo ang mga tinggalyong--biglang puputi. 'Yung may mga syota, kahit nakaka-bingi ang umupo sa karatig ng jumbo-jet na speaker ng sound system ayus lang dahil dun madilim, malaya silang nagkakaulayaw. 'Yun namang mga nagliligawan pa lang ay tamang "hapit" at "bakod" baka kasi masalisihan, mahirap na. At ang mga dakilang single naman ay nagbubutas ng bleacher ng amphi, maigi pang natulog na lang hindi pa puyat kinabukasan dangan nga lamang at check-attendance. Syempre, paaawat ba naman ang mga liping? Sila ang mga walang sawa sa pagsiryabot sa saliw ng walang kamatayang "laklak" at "sweet child of mine" talagang sinusulit ang sayawan dahil yun ang paraan para sila ay mahulasan.

SOPHIES. Ahhh, medyo at-ease na, nakahanap na kasi ng ka-uri at may tinatawag ng tropa. Makatambay lang, magkukunwaring may group study sa bahay nung mayaman na ka-klase na mayroong complete set ng hebigat na encyclopedia. Ang project na silk screen printing ay iaasa na lamang sa ka-grupo na anak ng propesyonal na magtatatak, aambag na lamang at keri na. pagdating ng exam hindi na tuod, nakakakuhit na sa karatig pag hindi maintindihan kung alin ba sa sentence ang subject, transitive verb at direct object, Hindi kasi nag-review nang nagdaang gabi dahil ang inatupag ay ang pagbabasa ng loveletter mula sa secret admirer. Ayan na, mababanaag na ang pagtubo ng sungay.




Pagpasok sa room bago mag-exam habang wala pa ang titser ay para kang nilusob ng 'sang katerbang kuliglig dahil sa ingay at lakas ng alab-alab na pagre-review ng ka-eskwela na may kanya-kanyang eksena: May isang nakatingala at humihingi ng clue sa butiki pag may nakalimutang isang bahagi ng minimemory. May isa't-kalahating malandi naman na nakadungaw sa bintana at inaabangan ang pagdaan ng crush nya na magsisilbing "inspirasyon" sa mga multiple choice type of questions, tanong number one: "crush din kaya nya ako?" a.) oo b.) hindi c.) none of the above. Meroon namang isa na sa tabi ng dingding napiling pumwesto dahil sa pader isinulat ang kodiko. 'Yung isa naman ay yung kahuli-hulihang upuan ang napiling pwestuhan at dun nagpa-praktis ng pagbuklat ng micronotes na kurting pamaypay--akalain mong sa liit ng papel ay napagkasya ang buong lesson ng quarter pati na drawing ng layers of the earth at parts of a leaf with labels. At ang pinaka-makisig sa lahat ay yung isa sa bandang gitna ng one-seat-apart na desks, relax na relax, pinapaikot-ikot lang ang bolpen sa mga daliri ng kamay at pangiti-ngiti, yun pala kagabi pa ay nakapag-sagot na ng i-e-exam, ipapasa na lamang ang testpaper, meron palang leakage worth isang-daang piso, tamo nga naman kaya pala nagbigay ng tip sa katabi na memoryahin din yung part of speech dahil enumeration ang part one ng test. Pagdating sa mathematics problem solving ay umuulan ng kuyumus na papel at dun nakasulat ang solution, x + y = xy, pinats! nagkakatalunan lang talaga ay sa essay, dito pagalingan ng katwiran - "therefore i conclude that" - ito ang pinaka-sikat na pasakalye. Pupusta akong halos lahat naman ay nakaranas mangopya dahil wala naman akong kaklaseng Einstein.

Sa ikatlong taon wala nang bitbit na bag, nakapamulsa na lang ang bolpen at manghihingi na lang sa katabi ng 1/2 lengthwise na papel pag nag-quiz. Chemical Symbol lang ng Tungsten ang isasaulo dahil binilang na ang silya at tiniyak na yun ang matatapat sa kanya para pagdating ng recitation sure-bol na. Nakaka-antok ang kasunod na subject dahil kay titser na by-the-book kaya magka-cutting class na lang kasama ng tropa at manonood ng movie sa vhs entitled "tarzan & jane - the wilderness adventure" o kaya ay magto-toma habang nagto-tong-its. Ito na ang eksena ng mga JUNIORS na nag-uumapaw ang sungay na panandaliang ikukubli pagdating ng "kiripsyun" o mas kilala sa tawag na JS PROM, dahil magbibihis-tao, naka-saya at naka-barong habang naghahabol sa nagkakanda-buhol-buhol na kadena sa regodon-de-honor.




"Naturingan kayong pilot section pero kayo lagi ang may negative feedback" - ang pamosong linya ng halos lahat na guro sa aming class/section mula simula hanggang wakas. Tapos, there was once pa, caught-in-the-act ang buong klase, walang nakatanggi ma-honor, ma-hindi ay may kanya-kanyang kumpol ng desk - may nagto-tong-its, may nagbabakrat, yung ibang boys naglilisi, yung iba naman ay miron, nagmistulang Casino Filipino ang room 9--ang bottomline: may nagsumbong. Meron ding time na nadatnan kami ni Maam na parang nasa loob ng sabungan sa ingay, palakasan ng halakhak mayroon pang kumakanta, kaya ayun, ang aming nakamit ay surprise quiz na ang coverage ay exponential forms, square root at cube root (pang-college daw sabi nung isa) kaya pagpapasa ng 1 whole pad paper ay tanging pangalan lamang ang naisulat pati middle name nakasali na may maisulat lamang.

SENIOR year. May sungay na'y may pangil pa. Deadma na sa flag ceremony, diretso na sa bilyaran o kaya naman ay sa computeran maglalaro ng tekken, kasi naman magbabasa lamang ng kwento ni Don Quixote at ni Beowulf at Grendel kaya sisipot na lamang sa eskwelahan ay kung kailan recess na. Hindi na uso ang paggawa ng homework, pagpasok sa iskul kinabukasan saka pa lang gagawa. Regular nang naka-timbre ang type ng exam kaya hindi na kailangan pang pag-aralan ang lintis na tangent at co-tangent na yan. Kahit pa nga yung peyborit subject na P.E. ay tinabla na rin para lang makatambay at makapamahaw, patak-patak sa pambili ng ulam kasama ng iba pang mga tirador ng kaning-lamig. Bahala na si nanay dumiskarte sa project na book report at film review tutal sya naman ang excited sa pag-graduate ko.

Isang buwan bago ang graduation ay pirmahan ng clearance at pinagawa kami ng sanaysay na ang pamagat ay "How do you see yourself 10 years from now?" translation: May pangarap ka ba? hahaha 'yun pala ay ilalagay sa yearbook. Ang suma-tutal maraming nangarap maging seaman, marami-rami rin ang nangarap maging engineer at may mangilan-ngilan na gustong maging architect. Pero may mga pangarap na stand-out katulad nung sinabi nung isa na gusto daw nyang maging FBI Agent, may isang nangarap maging Korina Sanchez at nagsabing "i want to be a glamourous T.V. anchor" at yung isa namang mahilig magbasa ng pocketbook na nakasangat sa libro habang nagka-klase ay nangarap maging "editor of TIMES Magazine", yung isa namang ang pasyalan ay ABS-CBN ay hindi na nakakapagtaka kung ang pangarap nya ay "to be a fabulous stage actress", ewan ko naman kung ano ang sumapi dun sa isang nagsabi na "i want to be a cyberg space lawyer", ano yun? taga-usig ng mga balasubas na alien sa Ben 10? hahaha, may isa pang "to be a dynamic lady pilot" ang drama, talagang pinag-isipan pang maigi ang ginamit na adjective, 'yung isa naman na panlaban ng batch sa basketball ay nangarap maging "NBA Superstar", pero ang pinaka-pasabog na pangarap sa lahat, malalim at mahirap halukayin ay yung isa na ang million-dollar dream ay "to fulfill my destiny" wala na, taob na ang pangarap ng iba, ahahhaha.




At nang nasa liwasang-bayan na upang idaos ang ika-50 pagtatapos sa M.S. Enverga Academy, ang lahat ng bumubuo sa Batch 2000 na suot ang puting toga at hawak ang kandilang may sindi habang kumakanta ng Maroon & White Forever at Awit ng Pagtatapos ay biglang nanariwa sa isipan ko ang apat na taong nagdaan: mga kabulastugan, pagpapakitang gilas, ang minsang pagsip-sip, ang mga pangarap na nabuo, mga kasayahan, mga pagsablay, mga kaibigan pati mga naging kaaway, mga maestro at maestra na nagbuwis ng luha, pagod at laway para lang kami ay may matutunan. Kasabay ng aking pagmumuni-muni ay ang pagpatak ng aking mga luha, mamimiss ko ang highschool life...

It was so heart-warming to see those proud parents looking at their children receiving their diplomas. When it was the moment to receive mine, I suddenly thought to myself, "I could have done better" nonetheless, no regrets only lessons.

Habang buhay na magiging memorable para sa akin ang highschool life dahil sa mga panahong iyon ko natuklasan ang pinaka-mahalagang bagay sa aking buhay - ang aking tunay na pag-ibig!

No comments:

Post a Comment