NOON...
Pag-ibig. paano nga ba ito sumibol? Trese at katorse ang mga edad namin nang maging magkatipan kami. Sa iskul kami nagkakilala, saan pa nga ba? Unang salta ko pa lamang sa highschool ay napasabak na agad ako sa ligawan, sinong hindi?
Kinukwento lagi ni Hendrix na nakita nya na daw ako, nagkasalubong daw kami sa tapat ng "bahay ni sanidad". Sabi nya, nung moment daw na yun ay totoo ang eksena ni kupido~~pinana daw sya habang ako'y tinititigan nya (corny pero nakakakilig). Akala pa nga daw nya migrante ako galing sa kung saang lugar o kaya naman ay bakasyunista. Sa totoo lang parang may gumuguhit ding alaala sa aking balintataw na minsan ko na ring syang nakitang dumaan sa harapan ng bahay namin habang kami ng mga kalaro ko ay nagtitibig.
Sa iskul. Noong mga panahong yun, may iba akong crush, at balita ko naman may naunang ka-love-team na rin sya. Pero dahil nga isa ako sa mga "new faces" ay ligawin akong talaga. Naging ganap na akong dalaga nung magsimulang binaha na ako ng love-letters galing sa mga higher year students. 85% ng mga sulat nila ay lyrics ng kanta masabi lang na english with matching rhyme pa. Pero yung diskarte ni hendrix ang stand-out, kumbaga nga ay may magic~~may chuvachuchu. Hanggang sa naging "puppy love" na ang eksena namin sa tulong na rin ng tropa ko at tropa nya. May kanya-kanya kaming tagapamahayag at taga-abot ng sulat. Bagya't-kaunting may mabalitaang iniuudyok na manliligaw (sa akin) at nililigawan (niya) ay pareho kaming magkukumahog sa paggawa ng sulat na bonggang-bongga ang pasakalye at kung anu-anong tsetse-buretse na kung isa-summarize ay iisa ang punto~~NAGSESELOS! Kaya pati ang mga "messenger" at "liaison officer" namin ay nawiwindang.
Hindi umubra ang unang arangkada ng aming katipanan. Bukod sa pareho pa kaming liga sa aming kabataan ay napakadaming tumututol at humahadlang. Unang-una na ang aming pamilya (kinailangan pang umuwi ng aking ina galing sa abroad at baka nga daw napapariwara na ang kanyang anak). May kanya-kanyang dahilan ang bawat pamilya namin kung bakit hindi daw pwedeng maging kami, weird! Present din yung mga gurlash na nagsasabi kay Hendrix na "ako na lang kasi ang iyong gustuhin" at syempre yung mga boylet na nagsasabi sa akin na "ako na lang kasi ang iyong sagutin". Pati ang mga titser na match-maker ay hindi approve sa amin, At ang isa pang nakaka-putok ng ulo ay yung tropa ko na nagsabi na iba na lang ang sagutin ko dahil lolokohin lang ako ni Hendrix, chickboy daw yun, yun pala malaman-laman ko, sila itong may hidden agenda. tsktsk...
First dance ko sya sa amphi, first date sa swing, first boyfriend, first love, first kiss at first broken heart rin. December 22, official na naging "kami", sinagot ko sya ng "i love you too" habang nagpupukpok ng lata at kumakanta ng Christmas carols ang mga paslit na nangangaroling sa labas ng bahay namin. Simula nang sinagot ko sya, mas dumalas ang pagbisita nya sa bahay gabi-gabi. Kahit na mag-kapit-bahay lamang kami laging purmado parang pupunta sa party, naka-pangmalakasan na terno at nakasapatos pa. Pagsapit ng hating-gabi, harana naman, sigurado akong ako ang hinaharana dahil special mention ang pangalan ko sa huling part ng song,(ako nama'y kinikilig habang nakatulakob ng kumot, may hawak na papel at ballpen at inililista ang kanilang mga kinanta), kasama pa si Prokopyo (Kuya ko) sa panghaharana. Napaka-sweet - literal na matamis dahil sa mga Van Hauten hazel nuts at Cadbury fruits and nuts na dala nya pagbisita with matching bouquet of fresh flowers na dinayo pa sa Lucban ang pagbili. Sumisimba kami tuwing sabado ng gabi, ang usapan, sisimba kami kahit na may tampuhan. Kunwari banal pero yung part lang na "peace-be-with-you" ang hinihintay para nga naman makadampi kahit kaunti ng halik sa pisngi na dancing butterfly sa stomach at goosebumps ang hatid na magiging daan na rin upang kami ay magkasundo kung mayroon mang alitan.
Sulat. Ito ang naging pinakamabisang sandata namin sa pakikipaglaban sa mga negative forces noon at sa slight LDR na sitwasyon namin noong nag-aral na sya sa College. Isang linggo kaming hindi magkikita, aalis sya ng Sunday afternoon at Friday night na ang balik. At para hindi namin masyadong ma-miss ang isa't-isa, naisip naming gumawa ng "7-letters". Pitong sulat para sa buong linggong nasa kabilang bayan sya. Isang sulat para sa isang araw, upang hindi makalimot sa pangako ng isa't-isa. Bago sya umalis ng Sunday, dadaan muna sya sa bahay upang mag-exchange kami ng 7 letters. But there was once na hindi kinaya ng 7-letters ang pangungulila nya sa akin. Isang Martes ng gabi, may paslit na nag-abot ng kapirasaong papel sa akin na may nakasulat na "I", after a while, yung magtitinda naman ng balot/penoy ang nag-abot ng punit na yellow pad na may nakasulat na "LOVE". Iisa lamang ang naisip kong makakagawa ng ganon sa akin, pero imposible dahil kaluluwas lang nya ng nagdaang araw. So, Dead-ma na lang ako, wala akong panahon sa ibang manliligaw, dahil may itinatangi na ang puso ko. 'sang saglit pa at naramdaman kong may nakatingin sa akin, sa aking pagtunghay nakita ko si Lukay may iniabot na yellow pad na pinilas, syempre alam ko na ang nakasulat "YOU", alam mo 'yung kilig na hindi mawala-wala sa mukha mo ang ngiti? Para lamang makita ako at sabihin kung gaano nya ako kamahal ay tiniis nyang matulog sa nakaparadang jeep sa harap ng bahay namin, malamig at malamok knowing na ilang bahay lamang ang pagitan ng aming mga tirahan (mapapagalitan kasi ng mommy). Napakanta ako bigla, "adik sa'yo, awit sa akin...".
Hindi biro ang ipakipaglaban sa magulang ang halaga ng isang relasyon lalo't ang tingin sa inyo ay may mga gatas pa daw sa labi, nakakabingi ang paulit-ulit na linyang "batang-bata mo pa, pag-aaral mo ang atupagin mo". Ang banat pa ng aking ina, "hala mag-asawa ka ng maaga at nang hindi ka maka-attend sa reunion ng batch ninyo dahil mukha ka nang kabayo" pathetic. Pero nanindigan kami sa aming pag-ibig at hindi natinag sa mga sagabal sa paligid. Minsan masarap din talaga yung laging patakas, dumidiskarte kami ng sarili namin, diskarteng palihim.
And when it was my turn to go to College, kasabay ng paghahain ko ng sangkatutak na paliwanag sa aking nanay kung bakit magta-transfer si Mamabruh sa kolehiyong papasukan ko ay nangako rin akong hindi magpapabaya sa pag-aaral at ime-maintain ang aking scholarship. Higit sa lahat bawal daw mag-asawa agad. Madaling mangako pero struggle at effort ang pagtupad nito. Sa kabila ng lahat nalampasan namin ang trials, dumating sa point na natanggap na ng aming mga pamilya na "kami" na talaga.
Apat na taon sa College...
Patlang...
Apat na taon din kaming lumaya sa isa't-isa. Kaming dalawa ay naglakbay sa magkaibang landas. Matagal-tagal rin kaming nag-kanya-kanya, walang pakialam at hindi na ginustong alamin ang lagay ng isa't-isa. Ngunit may mga taong animo'y reporter na naghahatid ng updates tungkol sa mga latest ng isa sa amin, kaya kahit paano ay mayroon kaming slight na idea sa kung ano ang mga pangyayari sa mga buhay namin. Noong mga panahong iyon din naging kasalanan ang kami'y magkita at magkasama dahil sa mga panahong iyon ay may ibang umaangkin sa amin, mga taong kinailangan at dumaan sa buhay namin upang sa huli ay maging aral na lamang. Ngunit bakit ba naman ang haliparot na tadhana ay may sariling paraan upang ang aming mga landasin ay magtagpo? Kahit pa nga sobrang saglit lamang ng mga oras at panahon, animo'y walang hanggang pag-ulayaw ang aming pinagsaluhan. Walang sinuman sa kanilang nag-aangkin sa amin ang nagtagumpay na igapos kami, dahil kami'y humulagpos at pinili naming magkasala~~panandaliang ligaya sa piling ng isa't-isa, nagkikita kami ng patago, nag-uusap ng pabulong. Pinahirapan namin ang aming sarili na kimkimin ang tunay naming saloobin sapagkat itinuring namin na ang "kami" ay hanggang sa nakaraan na lamang at mayroon kaming masasaktan. Hindi kami tumititig sa isat-isa dahil kapag tumagos ang aming tingin, ang kasunod na mangyayari ay alam na namin.
Heto na kami, magkasamang binabalikan ang masayang nakaraan. Musmos na pag-ibig na hindi niluma ng panahon bagkos ay pina-igting pa. Bawat punla ng pag-ibig na itinatanim namin ngayon ay magbubunga ng pinapangarap naming bukas. Kung hindi lang sa pag-aalala na baka ma-frustrate ang aming mga magulang ay nasimulan na sana namin ang aming sariling pamilya. Kung may makapal na libreto lang sana kami ng joint-account sa bangko sana'y nagawa na namin sina RAISHI at KAIZE, pero dahil nga wala pa, ang dalawa naming anak ay magiging pangalan na lamang muna pansamantala. Minsang nag-usap kami at nagplano ng future, tinanong namin ang aming mga sarili kung bakit nga yung ibang kabataan na mas bata pa kaysa sa amin ay hindi natakot sumabak sa hamon ng buhay, bakit kaming nasa tamang edad na ay walang sapat na lakas ng loob, lalo na ako?
Pangarap namin ang magandang buhay at syempre magandang bahay. Kung papalarin plano din naming sa ibang bansa tumira at doon isilang ang aming mga supling. Hanggang ngayon ay natatakot pa rin akong magsabi sa nanay ko, ngunit nararamdaman ko sa sarili ko na gusto ko nang simulan ang aming mga plano. Pasasaan ba't bibigay na din ako, hindi na mahalaga ang sasabihin ng iba, bahala na kami ni Hendrix dumiskarte para sa future namin at paghandaan ang pagdating ni ISHI at ni AIZE, tutal hindi na kami bata!
No comments:
Post a Comment