(Para rin ito kay Mami at kay Bb.Prokopyo~~sila ang kauna-unahang makaka-relate dito)
"It's not you, it's me" - ang pinaka-fabulosang linya ng break-up. Hahanapin daw muna ang sarili. Saan naman kaya hahanapin? Sa linya kaya ng mga bigo na naghahanap din ng hindi mahanap-hanap na kaligayahan? Hindi na daw kasi masaya, lagi na lang sa pagtatalo at pagmamarakulyo nauuwi ang mga eksena. Hindi lamang maamin na ang dahilan ng lahat ay insecurity. Nagseselos sa mga bagay na hindi naman dapat pagselosan, ayaw lamang aminin ang katotohan, kaya gagawa na lamang ng kwento at mag-iimbento ng pag-aawayan.
Hindi lamang iisang beses nag-decide na maghihiwalay at hindi pa man nako-confirm sa isa't-isa ay naka-press-release na. Pagkatapos ay magyayayang lumabas kasama ang tropa, mag-iinom at magsasaya, kapag lasing na-mag-iiyak na parang tanga at aamining mahal pa rin nya ang syota nyang shunga at sasabihing hindi pala nya kayang mabuhay mag-isa. Kapag hulas na makikipagkasundo, makikipag-usap uli sa jowa. Sa una ay magsisisihan at mag-aaminan ng kasalan with matching waterworks pa tapos ay magyayakapan at maghahalikan na parang walang nangyari. Kinabukasan, babawiin ang "break-up" na spread-out na. This time around mas magiging malambing at maunawain at extra-sweet sa isa't-isa, kasing tam-is ng asukal at kasing lapot ng arnibal.
Pagkalipas ng ilang linggo, magkakatampuhan na naman, meron na namang hindi mapagkasunduan. Magdedecide uli na mag-break. "We're not really meant to be" naman ang linya. Kung bakit naman kasi pinatagal pa ang pagsasama ay alam naman palang hindi para sa isa't-isa. Pagkatapos ay mangungulimbat na naman ng tropa at magtotoma, sasabihing this time around ay totoo na. Ngunit ang mga kaibigan ay hindi na naniniwala, magtatawanan na lamang at ire-recite ang mga litanya nang nakaraang hiwalayan.
If truth be told, ayaw mo naman talagang makipag-break. Gusto mo lamang ma-experience ang sakit at pangungulila kapag hindi mo na sya kasama at magpapaka-masokista ka lamang talaga. Gusto mo lamang ng re-assurance at validation kung gaano ka nya kamahal at marahil gusto mo lamang maramdaman na kiligin muli. Gusto mo lang sigurong patunayan kung hanggang saan ang ang kaya nyang pagtitiis para sa'yo. Siguro gusto mo ring marinig yung pagsusumamo nya na wag mo syang iwan. Sa totoo lang din naman, ayaw mo talagang lumayo, naghahanap ka lang ng espesyal na atensyon, dahil pakiramdam mo'y ikaw na lamang ng ikaw ang kumikilos para mag-survive ang inyong relasyon. Gusto mo rin siguro ng thrill, sa madaling salita, buryong ka lang. Siguro gusto mo nang mag-asawa pero nakikita mo naman sa kanya na wala pa sa kanyang hinagap ang tungkol sa salitang kasal. Napu-frustrate ka kaya laging break ang hamon mo, pero kapag pinatulan naman nya ang iyong gusto, ikaw naman ang pumapalahaw ng iyak. Kaya naman 100 times kang nabigo at 100 times ka ring nakipagkasundo. Anong napala mo? eh di wala. Hindi bulag ang pag-ibig, ang mga umiibig ang bulag!

No comments:
Post a Comment