Wednesday, December 9, 2009

- sA iLoG nA 'di NaGLiLiHiM - 08.26.08


Pinilit kong lumangoy kahit hindi ako marunong. Nasa kabilang-dako ng ilog ang dahilan kung bakit ako'y nagpupumilit makatawid, ang dahilan kung bakit ako'y nagtatampisaw, at s'ya ring dahilan kung bakit ako'y nakangiti. Ilang beses akong sumubok, lumubog-lumitaw ang ulo at katawan ko sa nagkukulay-kapeng tubig. Kasabay ng pagkaanod ko sa napaka-bilis na lagaslas ng tubig ang mistulang pagtakas ng aking hininga. Napuno na ng tubig-tabang ang sistema ko, pero hindi ako sumuko. Gusto kong makatawid at makadaupang-palad man lamang ang dahilan ng aking kahibangan, sapagkat kung hindi ngayon, ay kailan pa?

Hindi naman talaga ako marunong lumangoy, kaya sa tuwing susubok ako palagi na lamang parang may humihigit sa akin pailalim at lagi akong lumulubog. Nagawa ko pang mag-isip sa kabila ng lahat, hindi ko s'ya isusuko pero hindi ko rin hahayaang ipakipagsapalaran ang natitira ko pang hininga. May pag-asa pa akong makasama s'ya, sa isip-isip ko. Pero kung itutuloy ko ang paglangoy, anumang oras malulunod ako, kaya minabuti kong umahon na lamang at maghanap ng ibang daan. Kesehodang maglakad ako pabalik kung saan naroon ang kahoy na tulay, kahit na ang baybay-ilog na daraanan ko ay madulas ang mga bato, kahit na masukal ang mga damo. Hindi ko ininda ang mga galos na gumuhit sa binti ko sanhi ng mga damong-ligaw, damong matatalas, kasing talas ng mga dila ng mga usiserang walang magawa kundi ang usisain ang aking pag-galaw.

Sa wakas, ilang saglit pa'y nakarating ako sa kabilang pampang ng ilog. Akmang lalapit na ako upang kausapin siya nang bigla siyang tumayo mula sa batong inuupuan niya upang salubungin ang babaeng dumating. Napako ako sa aking kinatatayuan, naisip kong sana pala ay nagpakalunod na lamang ako. Sapagkat sa kasalukuyan ay daig ko pa ang nilamon ng ilog. Unti-unti akong nauupos sa aking kinatatayuan, nawala na ng tuluyan ang aking lakas at ang aking ngiti ay biglang napalitan ng pighati. Totoo pala na nag-iiba ang kulay ng mundo kapag nasasaktan ang puso mo, dahil nang mga oras na 'yun lahat ay naging kulay abo sa paningin ko.

Tiningnan ko silang muli. Nangungusap ang kanilang mga mata, may ngiti sa mga labi, pagkatapos ay pinaglapat ito sa isang malalim at masiphayong halik na unti-unting kumikitil sa aking puso. Nanatili akong nakatayo, ano pa bang pruweba ang kailangan ko para limutin sya? Hayan na sya sa harapan ko, nakaharap sya sa mahal nya.

No comments:

Post a Comment